Bagong Taon, Bagong ako?

Enero 01, 2020

Sa sarili ko ngayong 2020,

Ang taong 2019 ay isang taong tila sinubok ang aking buong pagkatao. Hindi lang sa pag-aaral, pagka-kaibigan, at pamilya, kundi sa aking sarili na rin. Marami mang naging pagsubok, masasabi kong naging maayos ang taon na ito sa kabuuan. 

Hindi ko lubos maisip ang mga nangyari noong nakaraang taon. Mga pangyayaring ni minsan, ‘di sumagi sa utak ko, na magaganap sa talambuhay ko. Pakiramdam ko’y para bang sinagasaan ako ng tren tapos may sumunod pang trak na mas mabigat pa sa elepante. Sa sobrang gulo ay tila nawala ako sa kasarinlan. 

Sa unang bahagi ng taon, malay ko ba noong umibig at masaktan? Hindi pa nga ako nagkakagusto sa iba, kaya laking gulat ko nang magkaroon ako ng minamahal. Ang nakakatawa roon ay kung gaano kabilis naging kami ay ganun rin kabilis natapos ang aming relasyon namin. Todo-todo ang hagulgol ko, at paulit-ulit kong sinasabi na nawalan ako ng lakas mabuhay. Oo, kinakahiya ko sarili ko hanggang ngayon. 

Sa kalagitnaan ng taon, mga nasa Hunyo hanggang Agosto, habang ako ay nagmumukmok tungkol sa aking pagiging sawi sa pag-ibig, ay ang pagdami ng responsibilidad. Kasabay ng pagsali ko sa isang organisasyon sa unibersidad ay ang pagtaas ng kahirapan ng mga aralin. Kahit gulong-gulo na ako sa kung ano ba talaga ang dapat unahin, pinilit kong hindi mawala sa pokus sapagkat kinakailangan kong matupad ang aking layunin, ayun ay makatapos ng pag-aaral sa madaling panahon. 

Noong Oktubre, akala ko hindi na ko magkakaroon pa ng kahit ano pang aberya dahil patapos na yung taon. Hindi pa pala. May humabol pang isang malaking problemang ‘di ko inaasahan. Ang depresyon dulot ng pagkagalit sa sarili. Lubos kong kinamuhian ang sarili  ko dahil iniisip ko na wala akong naitutulong sa iba. Dahil dito, nagkulong ako sa kwarto, umiwas sa aking mga kaibigan, at pinabayaan ang aking pag-aaral. Araw-araw nalulungkot ako at naiiyak ng walang kadahilanan. 

Hanggang sa ngayon, mayroon paring natitirang lungkot sa aking puso subalit sa pagsasara ng taon, ibig ko sanang magsimula muli. Sa sarili ko ngayong 2020, gusto kong limutin lahat ng sakit na naipon sa aking damdamin at magpursiging maging masaya at matatag ang loob para sa kinabukasan. Gawin mong misyon yan. Huwag kang matakot maging masaya at huwag ka na magpakatanga.

Lea Evangelista

Mga huling saglit ng 2019

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started