Pagguhit – Larawan ng Imahinasyon at Buhay

Isa sa mga gawaing nakakapagbigay ng relaksasyon ay ang pagguhit. Ang mga ideyang naiipon sa isipan ay maaaring gawing mga larawan gamit lamang ang ilang kagamitan. Ang pagbibigay-buhay sa emosyon at ideya ay maaaring magpagaan ng loob kung mayroong mahirap na pinagdaraanan. Hindi lamang nito napabubuti ang kaisipan kundi pati na rin sa pagiging malikhain. Ito rin ay maaaring gawin kahit ano man ang oras o kaganapan, bata man o matanda. Isa itong libangan o propesyon na maaaring kunin ng kahit sinong interesado rito.

Ang pagguhit bunga ng karanasan at alaala ay nakabubuti sa kaisipan. Ang alaala ay isa sa mga kayamanan ng buhay na maaaring panghugutan ng mga iguguhit na larawan. Ito ay koleksyon ng mga karanasan na nagsisilbing gabay sa pamumuhay ng tao. Ang alaala ay maaaring maganda at minamahal, o kaya naman ay nakakalungkot. Ano man ito, nakatatak ito sa isipan at nagbubunga at kaakibat ng mga emosyon. Maaari rin na bigyan ng iba pang hitsura ang mga ideyang ito gamit ang imahinasyon. Ang mga emosyon at ideya na bunga ng karanasan ay maaaring bigyan ng buhay gamit ang pagguhit. Sa pamamagitan nito, maaaring mailabas ang mga damdamin na hindi naipapakita gamit ang mga salita. Kung minsan, mas nakakagaan sa kalooban na nakikita ang larawan ng iyong mga damdamin at imahinasyon. Ang mga larawang iginuhit ay maaaring balikan bilang panibagong alaala na tatatak sa isipan ng gumuhit at mga nakakakita nito.

 © Alena Aenami

Hindi man alaala o karanasan ang larawang nais iguhit kundi pawang bunga ng imahinasyon, ay hindi hadlang dahil ang gawaing ito ay natatangi sa tagaguhit. Siya ang nagpapasiya kung ano ang kanyang ilalarawan at kung ano ang kakalabasan nito. Maaari itong maging personal o sumalamin sa mga suliraning panlipunan. Maaari rin itong pansarili, o ialay para sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Napakaraming bagay na maaaring iguhit at ilarawan at hindi nalilimitahan ang mga maaaring maabot ng pagguhit at tagaguhit.

Ang pagod na nararamdaman sa pangaraw-araw na buhay ay maaaring mawala sa iilang minuto o oras na ilalaan sa pagguhit ng mga larawan. Libangan man o propesyon, nagsisilbi itong panandaliang paraiso ng kaisipan, malayo sa mga nakakasakit na reyalidad na nagpapabigat sa kalooban. Ang mga karanasan ay ideyang natatago sa isipan lamang ay maaaring bigyan ng buhay gamit ang pagguhit. Kaiba sa pagkuha ng litrato, ang pagguhit mula sa imahinasyon ay natatangi lamang sa gumagawa nito. Kung gugustuhin, ito ay maaaring maging salamin ng kalooban o lugar na ginagalawan. Ang tagaguhit lamang ang may hawak ng kanyang larawan, na siyang sumasalamin sa kanyang sarili. Kung tatahakin ang pagguhit ay tiyak na magkakaroon ng panibagong pananaw sa buhay, bunga ng pagkakaroon ng mas matalas na imahinasyon at malinaw na isipan.

Marianne Banquerigo

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started